Miyerkules, Enero 25, 2012

Ang Resign All Noon... Ang Resign All Ngayon...


ANG RESIGN ALL NOON... ANG RESIGN ALL NGAYON...
ni Greg Bituin Jr.

Independyenteng linya. Ito ang naaalala ng taumbayan sa panawagang "Resign All!" noon ng grupong Sanlakas sa kasagsagan ng impeachment trial ni dating Pangulong Estrada. Tulad ng islogan sa kanilang poster noon, "Patalsikin ang buwaya, papalit ang buwitre" [“Oust the crocodile, the vulture will take its place”], paniwala ng Sanlakas na walang pinag-iba ang dalawang pangulo dahil pareho itong elitista at parehong may utang sa bayan. Isang araw matapos ang Edsa Dos, nang mapatalsik na si Erap bilang pangulo at makapanumpa si Gloria bilang bagong pangulo, idineklara agad ng Sanlakas: “Estrada’s ouster is the people’s will but Gloria is not the people’s choice!”

Ipinanawagan noon ng Sanlakas ang Resign All upang bigyang-daan ang pagbabago ng sistema, at hindi relyebo lamang ng panguluhan. Mag-resign lahat, mula sa presidente, bise-presidente, senate president at speaker ng house, at pansamantalang ipapalit si Chief Justice Hilario Davide sa isang caretaker government.

Makalipas ang isang dekada, muling umalingawngaw sa lansangan ang panawagang Resign All. Sa kasagsagan ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona, nanawagan naman ng Resign All ang Partido Lakas ng Masa (PLM), at pinagbibitiw lahat ng mahistrado ng Korte Suprema. Kailangan ng pagbibitiw ng lahat ng mahistrado upang bigyang daan ang independyenteng pagrepaso sa proseso ng pagpili ng mga mahistrado sa pamamagitan ng tunay at demokratikong pamamaraan, at kasali ang taumbayan. Hindi dapat mangyaring ang Korte Supremang kontrolado ng mga Arroyo ay basta na lamang papalitan ng Korte Supremang kontrolado ni Pangulong Noynoy Aquino. Dahil matutulad lamang ang Korte Suprema sa bagong bote pero lumang patis ang laman. Bagong pangulo pero lumang sistema pa rin.

Ang tanong ngayon, sino ang dapat kumontrol sa Korte Suprema? Isang paksyon ng mga naghaharing uri na pumalit sa dating paksyon ng naghaharing uri? Dapat bang ito’y independyente ngunit pawang ilustrado pa rin ang mga mahistrado? O dapat ang magpasya na sa pagpili ng mahistrado ay ang taumbayan?

Hindi relyebo ng kung sinong kokontrol na elitistang pangulo ang solusyon, dahil mauulit lamang ang pagkakamali ng nakaraan. Dapat ito’y maging isang Korte Supremang di pinaghaharian ng mga mahistradong pinili ng elitistang pangulo, kundi mga totoong hukom na marahil ay galing sa manggagawa at maralita, upang ang hustisya ay makitang walang kinikilingan.